" A Mother's Love "
Lumipas na ang mga taon
Eto pa rin ako't nagbibilang
Ilang taon pa ang daraan
Nang hindi ka kapiling;
Lumipas na ang pighati
Ngunit balot pa rin ng dilim
Pusong lubos na nangungulila
Sa iyong mga yakap't halik;
Sa mga alaalang iniwanan
Ang sulyapan ito'y kasiyahan't
Luha'y muling magdaraan
Magmamarka ang kadalisayan;
Pagmamahal na wagas
Hindi maihahalintulad
Hindi maipagpapalit
Lubos na mananahan;
Dito sa kaibuturan
Nang aking pagkatao
Nanamnamin ko
Ang mga sandaling ika'y andito;
Sa mga sakit' pait nang nakalipas
Natutong magpakatatag
Nanalangin sa may Itaas,
Sa mga ngiti't tawanan'y
Hatid abot langit na kagalakan;
Hanggang sa kahuli-hulihan'y
Pinakitang pilit pusong mairog
Sa'kin pangarap'y nagpatianod
Naghintay ng walang patumangga
Sa sandaling pinakaaasam-asam
Ang sandaling oras na tayo'y
Naging ISANG BUONG PAMILYA;
Ilang oras na laan
Ilang segundong nagdaan
Sa'king pakiwari'y buong buhay
Ang dumaan't walang hanggan;
Sa huling pagkakataon'y
Nalasap ang mumunting saya
Dulot'y kapayapaang
Maghahatid sa iyo sa dako paroon;
Hanggang sa huli'y ika'y nagparaya't nagbigay
Alaala nito'y hindi mapapawi
Mag-aalab sa puso ang nasimulan
Pangako'y bigyang katuparan
Patuloy na aabutin
Naudlot nating mga pangarap;
Gaano man kasakit ang pamamaalam'y
Batid kong may nakatakdang araw
Sa muli nating pagsasama't
Hanggang sa muling pagkikita;
Sa minamahal kong Ina
Taos pusong PASASALAMAT ay handog
Walang ginintuang salita ang tutumbas
Sa kadalisayan ng iyong pagmamahal.
Maligayang Kaarawan, Mama!
Buong puso kong panalangin ay
Iyong kasiyahan't kapayapaan
Sa piling ng mga anghel
Sa lugar kung saan
May walang hanggan
WE LOVE YOU and MISSES YOU SO MUCH, MAMA...
(Alam kong hanggang ngayo'y hindi mo pa rin kami pinapabayaan lalo si Tisay. Ramdam ko sa bawat yugto ng buhay ko mula ng ika'y mawala ang mapagmahal mong presensya. Lubos akong nagpapasalamat, Mama. Kailanma'y walang makakapalit sa pagmamahal ng isang ulirang ina. Mananahan sa 'king puso ang bawat pahina ng ating kwento. Hugs & Kisses, Obelle)

No comments:
Post a Comment